Tue, 29 Sep 2020

Tagalog News: Romblon Airport, handa laban sa pagpasok ng Coronavirus

Philippine Information Agency
27 Jan 2020, 18:38 GMT+10

ALCANTARA, Romblon, Enero 27 (PIA) -- Bilang paraan para makaiwas sa 2019 Novel Coronavirus (2019-nCoV), naglatag na ng karagdagang precautionary measures ang pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Romblon Airport sa Tablas Island, Romblon noong Enero 26.

Ayon kay Nonie Lucidos-Largueza, manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Romblon, pinagsuot na nila ng facemasks ang kanilang mga tauhan sa paliparan at naglagay na rin ng hand sanitizer corner para sa mga pasaherong paalis at palabas ng probinsya.

Maliban dito, humiling na rin aniya ang pamunuan ng CAAP-Romblon sa Rural Health Unit ng Alcantara na maglagay ng nurse sa paliparan para magbantay sa mga pasaherong makikitaan ng sintomas ng 2019-nCoV at makapagsagawa ng information dissemination sa paliparan patungkol sa nasabing sakit.

Humiling rin si Largueza sa pamunuan ng Alcantara Disaster Risk Reduction and Management Council na magbigay ng libreng facemasks sa mga pasaherong dadaan sa paliparan ng lalawigan.

Ang 2019-nCoV ay isang sakit sa paghinga na unang nakita sa Wuhan City, Hubei Province, China na patuloy na kumalat sa labas ng nasabing bansa. Maaari itong maipadala mula sa hayop sa tao o nahawaang tao sa iba sa pamamagitan ng hangin o sa pamamagitan ng close contact.

Sa ngayon, wala pa namang naitatalang may kasong 2019-nCoV sa bansa ayon sa Department of Health. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)

More Asia Pacific News

Access More

Sign up for Asia Pacific News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!